Friday, November 25, 2011

Daluyan ng Makabagong Edukasyon

Bilog ang mundo at patuloy ito sa pag-ikot. Kasabay ng pag-ikot nito ay ang patuloy na pag pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya na kung ating susuriin ay malaki ang naitulong sa pag-angat ng kalidad ng pamumuhay ng tao. Ilan sa mga ito ang mga computers at cellphones. Dahil dito, lahat ng gawain ay mas nagiging mabilis at maganda.

Kabilang mga mga paaralan sa mga institusyong panlipunang gumagamit ng ng mga nabanggit na teknolohiya upang lalong mapaganda at maiayos ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. Dahil dito, mas nagiging malawak ang pang-unawa ng mga bata sa lipunang kanilang ginagalawan. Sinisikap ng mga guro at mga tagapangasiwa ng paaralan na gamitin ang computers at iba pang electronic devices sa pagtuturo ng mga aralin sa paaralan. Dulot nito’y mas makabago at mabisang paraan ng pagtuturo na akma naman sa lipunang sa kasalukuya’y ating ginagalawan.

Ang Suliranin 

Subalit hindi lahat ng mga paaralan sa bansa ay mulat sa paggamit ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo. Ang digital literacy sa Pilipinas ay napapalibutan ng mga suliraning pang-heograpiya at pang-linggwistika. May 89 milyong Pilipino sa bansa at sila’y hiwa-hiwalay na nakatira sa 7,107 pulo sa sa bansa. Hindi lahat ng mga paaralan sa bansa lalo na ‘yung matatagpuan sa mga liblib na lugar ay nararating ng mga ganitong klaseng kagamitan. Hindi pa kasama rito yung mga mga pamayanang hindi pa nararating ng elektrisidad. 

Bukod dito, may 120-175 na wika at dayalekto ang ginagamit ng mga tao sa bansa para makipagtalastasan. Isang hamon para sa mga nangangasiwa ng mga programang digital kung anong pagdulog ang gagamitin para maipakilala sa iba’t ibang pangkat etniko ang mga pagbabagong hatid sa sistemang pang-edukasyon. 

Ang Solusyon
 
Malaki ang papel na ginagampanan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang mga nabanggit na suliranin. Gumagawa sila ng mga paraan upang maihatid sa mga pinakamalalayong lugar sa bansa ang mga makabagong paraan ng pagtuturo. Narito ang ilan sa mga programang sa kasalukuya’y binibigyang-pansin ng mga naturang ahensya ng pamahalaan.  
  • Ang Kagawaran ng Edukasyon ay patuloy sa paglulunsad ng mga pagsasanay sa ating mga guro upang malinang ang kanilang kasanayan sa paggamit ng computers bilang daluyan ng pagtuturo sa loob ng silid-aralan.
  • Patuloy ang paglulunsad ng Commission on Information and Communications Technology ng iSchools - isang programang naglalayong maihatid sa lahat ng paaralan lalo na yung mga nasa liblib na bayan ang mga makabagong paraan ng pagtuturo gamit ang computer. Ito ay ginagawa sa tulong ng ilang mga state universities at colleges sa bansa.
  • Kamakailan lamang ay nabanggit ni Bro. Armin Luistro, Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na sa taong 2012, lahat ng pampublikong paaralan sa bansa ay magkakaroon ng access sa Internet. Ayon kay Luistro, mararamdaman lamang ang malawakang pagbabago sa edukasyon sa pamamagitan ng information technology. 
Bilog ang mundo at patuloy pa rin ito sa pag-ikot. Kaalinsabay nito ay ang patuloy na pagnanais ng pamahalaan at iba pang samahan na tuluyang matugunan ang pangangailangan ng sistemang pang-edukasyon sa aspetong digital. Mahaba pa ang lakbayin natin tungo sa minimithi nating makabagong edukasyon. Ang mahalaga ay ginagawa natin ang lahat para makamit ito. Darating ang panahon na lahat ng mga paaralan sa iba't ibang pulo ng Pilipinas ay pinag-ugnay ng iisang daluyan ng makabagong edukasyon.


Mga Pinagkunan: 












2 comments:

  1. Talaga namang kailangan ang mahusay na mga kagamitan sa pagtuturo. Dito nakasalalay ang kinabukasan ng mga kabataan ngayon at ng susunod na mga henerasyon.

    NegosyongPinoy.info

    ReplyDelete
  2. Tama lang to dapat nakakaalinsabay din ang edukasyon sa mga makabagong teknolohiya sa ngayon.Sakit.info

    ReplyDelete